Ang Tunay na SONA ay SONA ng Mamamayan

artikulo at dibuho ni Lans Tolda

State of the Nation Adress o SONA, ito ang tawag sa taunang ‘report’ ng pangulo ng Pilipinas sa mamamayan. Dito inilalahad ng pangulo ang kanya umanong mga ‘nagawa’ at mga planong kaniya raw naisakatuparan – ang mga paulit-ulit na binabanggit sa taunang SONA. Ngunit kung tatanungin ba natin ang ating mga sarili, mayroon nga ba tayong nakikitang konkretong pagbabago sa takbo ng buhay ng isang ordinaryong Pilipino? Ito ang sagot ng mamamayan .

Ika-21 ng Hulyo. Unang Salbo
Ika-7 ng umaga nag-umpisa ang martsa ng mga mamamayang nagmula sa iba’t ibang sektor ng lipunan sa Timog Katagalugan sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) para sa isang pangrehiyong bersyon ng SONA na tinaguriang “State of the Region Address” o SORA. Naging hudyat ang sabayang programa na ginanap sa Cavite, Laguna at kalapit na mga probinsya para sa isang mas malaki at malawak na kilos-protesta ng mamamayan upang ipakita ang disgusto sa kasalukuyang rehimen. noynoy

Habang patungo naman ng Maynila ang delegasyon ng Quezon ay hinarang sila ng Laguna Provincial Police sa San Pablo City dahil ‘out of lane’ umano sila. Matapos ang tatlong oras na negosasyon ay hindi pa rin sila pinayagan. Kalaunan ay nakalusot din sila at nagpatuloy patungong Maynila.

Nagsanib ang delegasyon ng rehiyong Timog Katagalugan at ang karagdagang bilang ng mamamayan mula sa kalakhang Maynila at ilan pa sa mga kalapit na probinsya sa Welcome Rotonda sa Lungsod ng Quezon. Pagkatapos ng isang programa ay nagmartsa ang delegasyon sa Times Street kung saan naroroon ang bahay ni PNoy. Tinangka ng delegasyon na makalapit sa bahay nito ngunit marami na rin ang mga pulis na nakahanda at may harang na ang kalye. Ngunit hindi nito napigilan ang programang protesta ng mamamayan-nagkaroon ng pananalita ang bawat sektor-bitbit ang hinaing at panawagan. Pagkatapos ng programa ay tumulak ang delegasyon sa Balara at doon nagpalipas ng gabi.

Ika-22 ng Hulyo. Araw ng SONA
Habang abala sa paghahanda ang mga pulitiko, mga kongresista at mga artista, para sa SONA ni PNoy, maaga ring nagmartsa ang delegasyon patungong Commonwealth. Handang-handa na ang buong bilang ng mamamayang hindi lamang sa mga plakard, streamers at watawat ang panawagan, ngunit higit dito, tangan sa kani-kanilang sarili ang pagnanais na maipanawagan na makamit ang mga lehitimong ipinaglalabang karapatan.

Tinangkang harangan ang delegasyon na patungong Commonwealth sa pamamagitan ng mga concrete barriers ngunit ilang sandali lang ay naitumba na ito at nagpatuloy ang martsa. Sa malayo pa lamang ay kitang-kita na ang lumalaking bilang din ng mga pulis-kumpleto ang kasuotang pang ‘anti-riot’. Ilang sandali ay may mga nagtangkang suhulan ng lobo at bulaklak ang mga nagpo-protesta–animo’y inaamo ang mamamayan sa kanilang mga lipas nang istilo ng panlilinlang.

Sa pangalawang pagkakataon, habang papalapit ang delegasyon ng kalakhang Maynila, nagawang pabagsakin nito ang steel barriers na inihanda ng mga kapulisan laban sa mga nagpo-protesta. Sumugod ang malaking bilang ng kapulisan at nagsimula na’ng magkasakitan sa pagitan ng mga militante at kapulisan.

Naghain ng permit to rally sa harap sana ng Batasan Road, malapit sa House of Representatives kung saan ibubulalas ni PNoy ang kanyang SONA, ngunit hindi ito pinayagan, ito rin ang dahilan ng pag-igting ng engkwentro sa pagitan ng dalawang kampo. Sa kabila ng kaguluhan ay patuloy na iginiit ng mga ito ang kanilang karapatan at sinimulan ang isang programang protesta sa harap ng Ever Gotesco Mall sa Commonwealth na pormal na programa ng SONA ng mamamayan. Hindi naging hadlang maging ang mga concrete at steel barriers kasama pa ang maraming hanay ng kapulisan at bumbero bagkus ay mas nagbigay ito ng tapang at mas matamang determinasyong ipakita ang pagkakaisa ng mamamayan. Nakiisa sa SONA ng mamamayan ang iba’t-ibang sektor: kabataan, magsasaka, manggagawa, propesyunal, mga taong simbahan, kababaihan at ang Lesbian, Gay, Bisexual and Transgender (LGBT) community.

Nagkaroon din ng iba’t-ibang kulturang pagtatanghal. Ipinakita sa mga pagtatanghal na ito ang iba’t- ibang isyu ng mamamayan-lumalalang kagutuman, kawalan ng matinong kabuhayan at ang mapaminsalang militarisasyon sa kanayunan at maging ang mainit na isyu sa panawagang pag- abolish sa pork barrel system.

Nagmistulang mga bubuyog naman ang midya at mga dumalo sa protesta sa pagkuha ng bidyu at larawan ng pagsusunog ng effigy na highlight ng prorgama -tila artistang inaabangan tuwing may kilos protesta lalung-lalo na tuwing SONA.
Bigwas ng estado

Hindi na rin bago ang isyu ng ilegal na pag-aresto at pagdampot sa mga militante tuwing may malakihang pagkilos-tila ba isang banta sa tuwing magpapakita ng pagkakaisa ang mamamayan. Hindi nangingimi sa pagdampot ang mga kapulisan.

Sa gitna ng nangyaring kaguluhan ay nakapagtala ang mga kapulisan ng 22 nasaktan sa kanilang hanay at 41 sa mga militante. Naging handa naman dito ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) dahil hindi na bago ang ganitong paniniil ng pamahalaan sa mga nagpo-protesta.

Maging ang taga-Netherlands na si Thomas Van Beersum, na kabilang sa International Solidarity Mission inilunsad sa bansa, ay hindi rin nakatakas sa malupit na kamay ng estado. Kinasuhan siya dahil umano sa paglabag nito sa batas bilang isa banyagang turista, tila inalisan siya ng karapatang makiisa sa panawagan ng mamamayang Pilipino. Tila sinasabing walang karapatan ang isang banyaga na maunawaan ang kalagayan ng kapwa tao sa gitna ng nangyayari sa bansa nito at wala itong batayan upang sumama sa pagkilos ng mamamayan. Ibig sabihin ba nito, maaaring ang turing lang ng estado sa mga banyagang nagtutungo dito ay bilang mga turista lamang?

“Anuman ang mangyari, handa kaming harapin at sagutin ang lahat ng kasong ihahain nila (pulis) sa amin at magpapatuloy kaming mananawagan at igigiit ang batayang karapatan ng mamamayan,” ani ni Renato Reyes, Secretary-General ng BAYAN.

“Pinatutunayan lamang ng rehimeng Aquino ang mapanupil at pasista nitong imahe katulad ng mga nagdaang rehimen. Maikli ang pasensiya niya sa kritisismo ngunit patuloy itong nagiging sangkot sa mga anomalya at panlilinlang sa sambayanan. Pinagtatakpan niya ang isyu ng korapsyon samantalang patuloy ang pagtugis niya sa kanyang mga kritiko,” dagdag pa si Reyes.

Ang SONA ng Mamamayan
Tunay na kasaysayan na ang mismong nagiging pinaka-mabisang gabay ng mamamayan sa patuloy na pakikipaglaban para sa mga batayang karapatan. Malinaw na isang malaking tagumpay ang pagkakaisa ng malawak na hanay ng mamamayan para ipakita ang disgusto nito sa kasalukuyang rehimen-patunay ang mga ganitong pagkilos sa tuloy-tuloy na paglakas ng sambayanan para sa matagal nang panawagan para sa karapatan at makataong pamumuhay.

Kabisado na ng masa ang lumang istilo ng esado, kaya naman ang pagkakaisa ay lalong umigting habang patuloy ang nararanasang paniniil.

Hanggang sa susunod na SONA. Padayon pa rin ang masa! ßßÞ

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s