Ika-33 Taon ng Guinayangan Massacre at ang Karapatan, Katarungan at Kapayapaang Hangad ng Mamamayan

artikulo ng BBP Reportorial Team
dibuho ni Lans Tolda

May mga mapapait na alaalang mas nanaisin mong ibaon sa limot, ngunit, hindi katulad ng malagim na sinapit ng mga biktima ng Guinayangan Massacre, tatlumpu’t tatlong taon na ang nakalilipas, hinding-hindi mabubura sa ating alaala ang kabayanihan at pagkakaisa ng mamamayan ng Quezon para makamit ang mga lehitimong karapatan na pilit pinagkakait ng kinauukulan. Higit pa sa pagpaparangal sa mga martir, nanatiling lehitimo ang hinaing ng sambayanan para muling igiit ang katarungan para makamit ang tunay na kapayapaan.

Kahit anong saklap ng ating nararanasan at ang mga taong lagi tayong nilalamangan at sinasaktan, ang laging payo sa atin ng mga kaibigan at kapamilya ay magpatawad. Maaaring may punto sila. At sa haba na rin siguro ng ating mga karanasan, hindi malabong tanganan natin ang paniniwala sa pagpapatawad. Ngunit sa isang banda, mayroon tayong hindi dapat ikubli at yun ay ang makalimot. Lalo na kung wala naman tayong natatamong katarungan na dahilan na rin ng kawalan ng kapayapaan. Bunsod nito, mas lapat ang pagpapatuloy ng ating paggiit ng ating mga karapatan.

plackardKagaya ng naganap tatlumpu’t talong taon na ang nakalipas, Pebrero 1, 1981. Isang martsa sa diwang pagkakaisa ng mahigit anim na libong tao, mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan sa Quezon ang ginanap, upang iparating sa mga kinauukulan ang nararanasang sobrang kahirapan, ‘di lamang sa lalawigan, subalit sa buong bansa. Sobrang taas ng presyo ng bilihin, ang dustang pamumuhay ng sambayanan lalo na ng mga magsasaka, ang ‘di masukat akalaing pagkabarat ng presyo ng koprang umabot na sa piso kung minsa’y animnapung sentimo lamang kada kilo, at ang matinding militarisasyon at laganap na paglabag sa karapatang pantao. Ito ang nagbunsod upang magbuklod ang mga mamamayan at nararapat lamang din namang ito’y ganapin dahil sino rin ba ang makatitiis sa ganitong kalagayan?

Sa halip na solusyon ang isagot ng kinauukulan – sa pamamagitan ng mga militar, Philippine Constabulary (PC) noon – ang isinukli ng mga ito ay dahas; walang habas na pinagraratrat ang mga mamamayang mapayapang nagmamartsa, at sa isang iglap, dalawa agad ang binawian ng buhay, at humigit-kumulang isandaan ang sugatan.

Hindi nakakalimot at nanatiling pilat sa ating mga puso ang kalagim-lagim na nangyari. Ang mas mabigat pa sa pakiramdam, mahigit tatlong dekada na ang nakalilipas at tila mailap ang hustisya sa mga biktima. Karamihan sa kanila ay hindi man lamang nahagip ng inaasahang katarungan at ni isa’y walang naparusahan.

Tunay ngang ang lagim ng Guinayangan Massacre ay nananatili, parang itinanim na bangungot, ‘di lamang sa mga biktima kundi sa mga pamilya nito at mismong sa sambayanan. Sa kadilimang dulot ng Batas Militar noon ng dating rehimeng Marcos, hindi rin malabong ang mapayapang pagkilos para lamang iangat ang kabuhayan ng mamamayan ay bala ng baril at kamatayan ang isasagot.

Marahil sa ngayon, hindi naman halos kaiba ang ating nararanasan. May Martial Law man o wala, ang dusta ay nanatiling dusta at ang mapagsamantala at mang-aaalipusta ay nanatiling nakaupo sa kani-kanilang mga trono na may mga utusang de latigo. Sa kahit anong anggulo natin tingnan, ang problema na noon pa man ng mamamayan, lalo na ng ating mga kapatid na magsasaka ay nanatiling problema pa rin natin ngayon. Sa kabilang banda ang pagkakaisa naman ng mamamayan ay nananatili. Sa pagbubuklod noon ng mga magbubukid kasama ang iba’t ibang sektor ng lipunan, marami ang hindi nawawalan ng pag-asa na kung ating pag-iibayuhin ang pagkakaisa, makakamit natin ang ating mga hangarin para sa kagalingan ng bawat isa.

Kung noon, anim na libo ang mapayapang nagmartsa na kahit karahasan ang isinagot, nananatili ang bukluran dahil sa suporta ng mamamayan at mga sumunod pang pagkilos. Ngayon ay walang dahilan upang hindi natin gunitain at buhayin ang diwa ng pagkakaisa, walang dahilang ibaon sa limot ang mga karanasan, walang dahilan upang huwag bigyan ng parangal ang mga nakiisa noong Pebrero 1, 1981.

Ngayong Pebrero 1, 2014, bubuhayin natin ang diwang nasindihan noon, ang diwa ng pagkakaisa upang tuluyang makamit ang karapatan natin bilang mga mamamayan, upang ang katarungan ay maigawad na sa mga biktima at sa lahat ng naging biktima ng karahasang militar at paglabag sa karapatang pantao at upang makamit ang tunay na kapayapaan, na mangyayari lamang kung nasusuklian nang wasto ang mga sakripisyong ginagawa ng sambayanang Pilipino. ßßÞ

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s