Ang Kalbaryo sa Mt. Cadig

artikulo ni Marlon Ala
kontribusyong larawan ni Aaron Bonette

Isa ang Mt. Cadig sa mga kabundukan sa Pilipinas na kasalukuyang hinahalukay ng mga dayuhan sa ilalim ng rehimeng US-Aquino sa pamamagitan ng Executive Order (EO) 79. Ang EO 79 ay isang pakunwaring pag-iingat sa kalikasan at pagtataas ng buwis sa mga dayuhang nagmimina subalit kung susuriin, ito`y paraan lamang upang madulas na maisentralisa sa pambansang gobyerno ang permiso. Sapagkat kung aanalisahin, ito`y lalo pang pagwasak sa kalikasan, pagkakait ng kabuhayan, maayos na pamumuhay at ng malinis na kapaligiran sa mga taong naninirahan dito na labis na apektado ng mapanirang pagmimina.

Ayon sa website ng Mines Geoscience Bureau (MGB) may 31 mining permit na ang naiproseso na sumasaklaw sa 163, 291.30 ektarya. Pinapalakad ito ng 22 kumpanya sa pagmimina at kabilang dito ang 2 kumpanya na diumano ay pag-aari ni Gobernador Tallado ng Camarines Norte. Ito ay ang El Dore Mining Corporation at ang Mt. Labo Exploration and Development Corporation. Ang una ay may 11, 988 ektarya sa Tagkawayan kung saan matatagpuan ang Mt. Cadig at ang ikalawa ay may 499.7 ektarya sa Labo. Sa saklaw ng bayan ng Tagkawayan, may 157,690.6 ektarya na ipinagkaloob sa mga kumpanya sa pagmimina. Kapag natuloy ang lahat ng ito, halos pinawi na sa mapa ang kabuuan ng kalupaan ng bayan ng Tagkawayan dahil sa mapangwasak na pagmimina.

cadig - crisAng mga pangyayaring ito ay pasok sa kabuuang plano ng rehimeng US-Aquino na halukayin ang kagubatan, kabundukan at karagatan ng Pilipinas para mabungkal ang walang kapantay na likas na yaman ng Pilipinas kung saan tanging mga dayuhan, mga kapitalista at burukrata-kapitalista lamang ang nakikinabang imbes na ang mamamayan. Sa kasamaang-palad, perwisyo pa ang inaabot sa mga pakanang ito ng rehimeng US-Aquino. Kung kaya`t hindi rin nakapagtataka na ikinasa ang AFP-PNP-CAFGU sa ilalim ng Oplan Bayanihan (OpBay) upang supilin ang mga mamamayang tumututol sa imbing plano ng rehimeng ito. Mula pa noong Nobyembre 2012, rumaragasa na ang operasyong militar sa buong saklaw ng mga bayan ng Tagkawayan, ng Santa Elena at ng Labo. Daan-daang sundalo ang ikinalat upang maniobrahan at saklawin ang mga kabundukan, kabaryuhan at kabayanan ng mga nabanggit na bayan.

Sa kritikal na pagsusuri, hindi maikakailang magkaugnay o kasapakat ang OpBay upang mamintina ang planong pagmimina at masupil ang mga uusbong na pagtutol ng mga mamamayang apektado at ng mga taong hindi pabor sa mapanirang pagmimina. Pinatunayan at pinagtitibay ng mga taong naninirahan sa mga nasabing lugar kung saan at kailan nagsulputan ang presensya ng mga militar ay kasabay ring nagsulputan ang mga kompanya sa pagmimina upang protektahan ang mga ito. Isang patay na patunay ang pagpaslang sa Kapitang si Merlyn Bermas sa Brgy. Malaya ng Labo, na pinaghihinalaang tuluyang pinatay pagkaraan ng maraming beses na pagbabanta sa kanyang buhay dahil sa lantarang pangunguna sa pagtutol sa mapanirang pagmimina sa kanyang nasasakupan. Ang masaklap nito ay may nadamay pang musmos na bata sa naganap na pamamaslang.

Hindi rin maikakaila na kaya madaling naisasagawa ang hindi makatao at labag sa batas ng kalikasan ang karahasang ito ng mga nasa kapangyarihan ay sa dahilang mula sa punong opisyal hanggang sa kaduluhang mga sanga nito ay may mga kasapakat na uring nagsasamantala sa karamihan. May mga tongpats kumbaga. May kanya-kanyang lagay sa mga nanunungkulan o awtoridad upang mapadulas pang lalo ang pagbungkal ng mga kumpanya sa pagmimina. Hindi na isinaalang-alang kung masisira ang Inang Kalikasan pati ang mga karampot na paghahanapbuhay ng mga lehitimong naninirahan sa mga apektadong lugar basta`t sila`y magkamal lamang ng sobra-sobrang yaman sa kanilang mga palad at mga bank account.

Hindi lingid sa atin na winawasak nang walang habas na pagmimina ang gubat at kabundukan pati ang mga sapa`t ilog at karagatan. Kung saan maraming likas na nabubuhay rito ang nalalason o kung ‘di man itinataboy sa mga lugar na hindi angkop sa kaparaanan ng kanilang buhay. Idagdag na rito ang mga buhay at pamumuhay ng mga taong naninirahan sa apektadong lugar gaya ng Mt. Cadig dahil sa mapanirang pagmimina. Maraming maliliit na hanapbuhay ng mga tagarito ang sinasagasaan tulad ng mano-manong pagmimina, pagkakaingin, pagsasaka, at iba pang ikinabubuhay na may kinalaman sa paggugubat at paglulupa.

Ang Mt. Cadig ay isa na sa mga namimiligrong kabundukan sa Pilipinas. Sa kasalukuyan, ang Veronica Ineguez Lee (VIL) Mining Corporation ang may proyektong eksplorasyon para sa nickel. Sakop ng nasabing kumpanya ang 11,126.36 ektarya sa tatlong bayang nabanggit na sinasaklaw ng operasyong militar. Saklaw nito ang Barangay Tinigiban, Guisican, Bayabas at Cabatuhan sa bayan ng Labo, Camarines Norte, ng Barangay Villa San Isidro ng Bayan ng Santa Elena, Camarines Norte at ng Barangay Casispalan, Santa Monica at Bagong Silang sa bayan ng Tagkawayan, Quezon. Nagsimula pa silang magbutas noong Setyembre 2012 sa nabanggit na mga bayan. Ito ay protektado ng mga nagsulputan o dagsa ng operasyong militar. Hindi maikukubling matapos ang pag-uumpisa ng pagmimina ng VIL Mines Corp noong Setyembre 2012, isang buwan lamang ang pinalipas at agad sinimulan noong Nobyembre 2012 ang malakihang operasyong militar na nilahukan ng 49th IBPA ng 902nd Bde, ng 76th IBPA ng 202nd Bde at ng 22nd Division Recon Company (DRC) ng 2nd ID sa ilalim ng Southern Luzon Command. Hanggang sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang operasyon ng nasabing mga yunit ng AFP para ipagtanggol ang proyektong pagmimina at supilin ang anumang pag-usbong o pag-iral ng pagtutol ng mamamayan.

Malinaw na ngayon na hindi maihihiwalay ang operasyong militar sa ngalan ng OpBay at ang malakihang pagmimina na pakikinabangan ng rehimeng US-Aquino, ng gubernador sa mga lalawigang nakasasakop at iba pang lokal na opisyal, ng mga senior na opisyal ng AFP-PNP at mga ganid na kapitalista sa pagmimina.

Kung kaya`t hinihingi ang suporta ng mayoryang mamamayan, hindi lamang ang mga taong direktang apektado ng mga pagmimina, kundi lahat ng taong may pagmamahal sa kalikasan, na sama-samang kumilos upang tutulan, labanan at supilin ang mapanirang pagmimina sa ating mga kabundukan upang ingatan at ipreserba ang kaluguran ng kalikasan para sa mga susunod pang henerasyon.

Ilang sa mga siyentipikong dahilan kung bakit kailangang tutulan ang mapanirang pagmimina:

Unang-una, ang mina ay hindi pinakikinabangan ng mamamayan kundi ng rehimeng US-Aquino, ng mga gubernador sa nasasakupang lalawigan at mga lokal na opisyal sa mga bayan, ilang opisyal na ahensya ng gubyerno, mga senior na opisyales ng AFP-PNP, lokal at dayuhang kapitalista sa pagmimina.

Ikalawa, ang pagmimina ay makasisira sa kagubatan, ilog, sapa at iba pang yamang likas. Alam ng lahat na bago pa makapagbutas ang mga kumpanya, hahawanin muna nila ang dadaanan ng dambuhalang makinaryang panghukay. Sa laki ng mga makinaryang ito, madaling ilarawan sa isip kung gaano kalawak na kahuyan at halamanan ang mahahawan. Tiyak na may masasagasaang daluyan ng tubig, ito man ay bukal, sapa o ilog. Walang sasantuhin ang mga makinarya para bigyang-daan ang malaking proyektong ito. Bago pa makuha ang yaman sa ilalim ng lupa, wawasakin muna nila ang yaman na nasa ibabaw nito. Kaya nga masasabing napakamapaminsala at mapangwasak ng industriyang ito sa panahon ng pag-iral ng lipunang malakolonyal at malapyudal.

Ikatlo, kapag nasira ang likas na yaman sa paligid ng mamamayan, masisira na ang kanilang kabuhayan. Lahat ng madadaanang mga taniman ng masa, danawan man o kaingin ay mawawasak at mawawala. Sino pa ba ang mapapayagang magtrabaho sa kagubatan kung ito ay pag-aari na ng mga kompanyang nabanggit? Sino pa ang papayagang magkaingin, mag-uling, mangahoy ng panggamit sa pagtatayo ng bahay at pagluluto, magbating ng mga baboy damo at iba pang hayop kung ito ay may bakod na ng mga kumpanyang may-ari ng lugar? Ang pinagkukunan ng masaganang tubig para sa danaw ay mawawasak na dahil mismong kabundukan na ang wawasakin. Kung nawawalan ng tubig kapag naputol na ang malalaking kahoy, paano pa aasa sa tubig kung pati lupa ay aalwasin ng mga kumpanya?

Ikaapat, makaaapekto sa kalusugan ng mga mamamayan ang mga basura at dumi na manggagaling sa minahan. Walang minahan na hindi nagtatapon ng basura. Kung sa pagkakaingin o pag-uuling ay may mga basurang nalilikha, paano pa ang pagmimina na hamak na ilandaang ulit na mas malawak at mas malaki ang aabutin? Sari-saring kemikal ang itatapon nito. Saksi ang mamamayan ng Marinduque nang itapon ang lason na galing sa Marcopper Mining patungong ilog ng Boac. Hanggang sa ngayon ay nagkakasakit pa ang mga tao sa balat kapag nadadampian ng tubig sa ilog na ito. Hindi man lang ito pinalinis ng mga nagdaang rehimen at kasalukuyang gobyerno. Tiyak na malalason ang mga ilog mula sa bundok Cadig tulad ng Ilog Kabibihan, Ilog Bayabas, Ilog Busigon, Ilog Gumihan, Ilog Santol, Ilog Minasag, Ilog Kabuluan at Ilog Basyad. Ang mga mayor na ilog na ito mula sa kabundukan ng Cadig ang pinagmumulan ng lahat-lahat nang ikinabubuhay at pinagkakabuhayan ng mga mamamayan sa paligid ng bundok Cadig. Mula sa inuming tubig, tubig panligo, tubig panghugas, tubig panlaba, tubig para sa mga sakahan at palaisdaan at lahat-lahat na.

Ikalima, ikakasa ng malakihang pagmimina ang tiyak na kalamidad na likha ng tao. Hindi malilimutan sa alaala ang mga pangyayari sa Ormoc, Leyte na nagdala ng flashflood at pumatay sa libong tao, sa Real, Infanta at Nakar (REINA) ng Quezon na nagdala rin ng flashflood at landslide at lumipol din ng libong tao, sa Cagayan de Oro City at Iligan City na ilang daan ang namatay sa flashflood, at pinakahuli ay ang flashflood at landslide sa Davao Oriental at Compostela Valley na halos libo ang namatay at nawala. Lahat ng ito ay isinisisi sa pagkasira ng kabundukan at kagubatan doon. Pero hanggang ngayon, patuloy pa rin ang plano ng rehimeng US-Aquino sa malawakang pagmimina na tiyak na sisira sa kabundukan at kagubatan. Kinabukasan ng ating mamamayan ang nakasalang sa usaping ito.

Ikaanim, WALANG PAKINABANG ang mga mamamayan sa pagmimina. Laging sinasabing magkakaroon umano ng hanapbuhay ang mga tao, pero saksi ang mga nagtatrabaho sa lugar na napakababa ng sahod, walang benepisyo at ‘di makatao ang kalagayan ng paggawa. Maging ang hanay ng mga manggagawa ay biktima pa rin ng mga sundalong nag-ooperasyon sa kabundukan na sinasabing bantay sa pagmimina. Ang mga pakitang-taong proyekto na pinondohan at pinangunahan ng mga kumpanya sa mina ay puno rin ng korapsyon at hindi nararamdaman ang pakinabang ng mamamayan. Pilit ginagawa itong dekorasyon para ipakita na ‘nakikinabang’ ang komunidad sa mapanirang pagmimina.

Sa sumada, ang malakihang pagmimina ay makadayuhan, kontra-mamamayan at mapangwasak. Sasagasaan nito ang kabuhayan, buhay, kalusugan at kinabukasan ng mamamayan.

Huwag tayong matakot na manindigan para sa ikabubuti ng nakakarami at higit sa lahat protektahan natin ang ating kalikasan na tanging maipamamana natin sa susunod na henerasyon upang mapanatili ang malinis at malusog na kapaligirang sandigan ng pagpipreserba sa buhay at pamumuhay ng tao pati ng mga buhay na nananahan dito gaya ng mga puno`t halaman, mga hayop at iba png yamang-likas. ßßÞ

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s