Walang Puwang ang Pananahimik

Kasalanan daw ng mga mahihirap kung bakit sila ay mahirap dahilan sa marami silang anak. Kasalanan daw nila, sapagkat matitigas ang kanilang ulo, laging sumusuway sa utos ng pamahalaan.

Sa tuwinang may may kalamidad sa ating bansa, nagkakaroon ng piyesta ng pagsisi at lalo na, ang paninisi sa mga pangkaraniwang Juan at Juana dela Cruz. Ang mga maralitang nakatira sa magubat na lungsod, sinisisi kung bakit naninirahan sa tabi ng estero at mapanganib na lugar. Ang mga maralita naman sa kanayunan, sinisisi kung bakit ayaw umalis sa kani-kanilang bahay kapag mataas na ang baha at pinipilit ilikas ng mga rescuer.

Nitong huli, sinisisi sila sa pagbaha, dahil sila raw ang nagtatapon ng basura na bumabara sa mga daanan ng tubig.

Magandang itanong sa ating lahat, dati na bang ganito? Noon pa ba sinisisi ang maralita sa pinsalang dulot ng mga kalamidad, mga pinsalang sila rin ang kadalasan at palagi na lamang biktima?

Ang isang impresyon, sa pagtindi ng pinsalang dulot ng mga kalamidad, tumitindi rin ang pagsisi sa mahihirap. Kahit ang usong paliwanag na “global warming” at “climate change,” nakakalimutan kapag ibinubunton ang sisi sa kanila. Paanong inabot sa ating lipunan ang ganitong kalupitan sa pagtingin sa maralita?

Isang maituturo ang kawalan ng pag-unawa sa mga maralita at ng pagsisikap na unawain sila. Sa mga mapagpasyang pwersa sa ating lipunan, kahit ang midya at Simbahan, walang nagpapaliwanag sa bagay na ito. Lagi tuloy may sasagot na talagang may pagpililian kapag sinasabi ito. Para sa iba, kasalanan talaga ng napakarami nating kababayan ang pagtira nila sa mga estero at lugar na peligroso sa baha.

Kung tutuusin, panay na panay ang labas ng maralita sa midya.

Tingnan na lang natin ang mga detalyadong mga palabas na sa noontime televisions na nagtatampok ng karalitaan ng mga Juan at Juana dela Cruz na ipinapakete sa paraang katawa-tawa ng mga host at hostess.

Sadyang pinapalabas ang kawalan ng kapangyarihan at pananagutan ng gobyerno sa mahahalagang usapin sa bansa, lalo na sa ekonomiya. Dahil kailangang may managot para sa pinsala ng mga disaster, sinisisi nila ang madaling ituro – ang mahihirap.

Walang duda: napapatatag ang mga patakarang makadayuhan at nakikinabang ang kasalukuyang gobyerno kapag mga maralita ang sinisisi sa mga sakunang nabanggit. Sa ganitong sitwasyon, walang puwang ang pananahimik at pagsasawalang-bahala ng mayoryang apektado ng sitwasyon. ßßÞ

Leave a comment